NuffnangX

Lunes, Abril 22, 2013

Kaibigan....

Araw ng Sabado, takdang araw ng pagkikita ng mga "Gwapings".

Kaibigan ang titulo pero bakit bulaklak ang nakikita n'yo? Wala lang, gusto ko lang ipakita ang nakunan kong bulaklak ^_^
 
Kinailangan ko munang magtungo sa bayan ng DasmariƱas:
 

 

Hindi upang dumalo ng kasalang ito:


 
 

Kundi upang hanapin ang mga ito:


Narito ako upang magkuwento ng senting tagpo ng hapong iyon ng Sabado at hindi upang magkuwento ng hindi magandang karanasan sa bayang aking pinuntahan.

Matapos ang paglalakad ng napakainit sa bayang ito, kinatagpo ko "Kulot" si Michelle "Botsog" para magtungo sa bahay ni Lou Ann "Balougs".

Nagkita kami sa gilid ng istasyon ng pulis sa Barangay Maguyam, upang sumakay ng tricycle papunta ng Barangay Kaong. Pagbaba ng Kaong kailangang sumakay pang muli ng tricycle upang makarating sa Barangay Tibig. Ang mga baranggay na nabanggit ay nasasakop ng bayan ng Silang sa Cavite.

Dito nakatira ang isa sa miyembro ng aming tropa, si Lou Ann na kung tawagin namin ay "Balougs".
Ito ang tawagan naming tatlo, ako si "Kulot" dahil likas na kulot ang aking buhok. Si Lou Ann ay isa ring kulot kaya iniba namin ang tawag, mula sa pangalan n'yang Lou. Si Michelle dahil hindi payat ay tinawag naming "Botsog" dahil 'yun ang tawag n'ya sa lalaking laging nag-aalay ng pinya at kung anu-ano pa sa kanya (Huwaaaaw! Cheesy).

Habang nasa daan, nakita ko ang progreso sa lugar,

Ang kalsada ng lugar na ito ay dating baku-bako at hindi pa sementado.

Ang araw ng pagpunta namin doon ay kaarawan at binyag ng pamangkin ni Lou Ann sa kanyang kuya Jerson.

Ang pangunahing layunin ng pagpunta namin doon ay para magkasama-sama uli kaming tatlo.

Si Michelle lang ang kumain, dahil 1) busog ako at 2) hindi ako pwedeng kumain sa binyagan.

Matapos ang kaunting chikahan sa mga kakilalang kamag-anakan ni Lou Ann, napagpasyahan naming mamasyal para na rin mawala ang antok na nararamdaman ni Michelle na mula sa panggabing pasok sa trabaho at matapos mamili para sa hiking ay dumiretso na dito. Nakakaramdam na rin ako ng antok kaya madalas na napatutulala ako.

Napagpasyahan naming puntahan ang isa sa mga lugar na paborito namin.

Ito ay ang burol na medyo may kalayuan mula sa bahay nila Lou Ann. Pribadong pag-aari ito ngunit pinapayagan namang may mamasyal.




Ang init na dala ng hapong iyon sa panahon ng tag-araw ay napawi ng malamig na dampi ng hangin sa taas ng burol kung saan napili naming sumalampak.

Maganda at nakakapresko 'di lamang ang halik at yakap ng hangin ngunit pati na rin ang tanawing iyong makikita.

Sa pagkakaupo namin, muli naming sinariwa ang mga tagpong naririto kami, tulad ngayong hapong ito na nakaupo rin kami dito.

Mga araw na kami ay mga estudyante pa lamang. Mga araw na ang problema lang namin ay ang kapos na perang bigay ng aming mga magulang, mga problemang pampamilya na karamihan ay hindi pa rin nasusulusyunan. Mga araw ng pag-ibig? ^_^ Mga kwento mula ng kami ay kolehiyo hanggang sa kasalukuyan.

Napakasarap sariwain ng mga araw na iyon.

Matagal na pala kaming magkakasama. Simula nang nasa 2nd year college ako hanggang sa kasalukuyan magkakaibigan pa rin kami. Taong 2003 hanggang ngayon, sampung taon na pala.

Marami ng nagbago sa paligid namin, marami ng mga nakilala pero iba pa rin ang pakiramdam ng 'pag kasama ang tunay na tropa.

Oras na para umuwi:




Ngayon ko lang naisip na matagal ko na palang hinihintay na magkasama-sama ulit kaming tatlo. Huling taon na nagkasama-sama kaming tatlo ay noong 2008 pa, 5 taon na ang lumipas.

Nakaka-miss pala ang mga baliw na 'to.

Naalala ko ang mga taon na pinagsamahan namin. At ngayon, pare-pareho pa rin kaming mga walang asawa ^_^

Heto kami noon:




 Ang aming tambayan. Malapit sa C.R.



Mula sa aming Baguio City Tour 


Wala talaga 'kong matinong pose ^_^

And this is me before:





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento