NuffnangX

Huwebes, Abril 11, 2013

Baguio City 2013: Minesview

Napansin ko lang na panay ata ang English ko, bakit nga ba hindi ako mag-Tagalog?

Matapos ang mainit na paglalakad at pag-akyat sa matarik na hagdan ng Wright Park at sinundan ng pagbisita ng palasyo ng Pangulo ng Pilipinas sa The Mansion ang sumunod naming destinasyon ay ang Minesview.

Hindi naging mahirap ang pagsakay ng Taxi dito dahil sa pandalas na pagdaan ng mga ito na tila ba walang kapaguran.

Ang naging suliranin para sa amin sa araw na iyon (March 29, 2013) ay ang dagsaan ng mga turista at bumabarang mga sasakyan sa kalsada. Masyadong mainit, mabuti na lamang miminsang umiihip ang malamig na hangin.
Dapat ay maglalakad na lamang kame papunta duon, ngunit kawawa naman si Manong. Patuloy na papatak ang metro ng kanyang Taxi na hindi n'ya mapapakinabangan. Kaya minabuti na lamang naming manatili at umasam na maging maayos na ang daloy ng trapiko.

At sa wakas, bagama't paunti-unti ang usad ay nakarating kame sa aming paroroonan.

At gaya ng inaasahan....

Nagliwasan ang maraming tao sa daan, ano pa kaya sa mismong lugar kung saan matatanaw ang minahan.


Nuong huling punta ko dito ay hindi ko matandaang nandito na ito.

At ang aking kapatid na mabiro ay sumingit sa camera.
Ang pagiging pilyo ay likas na sa kanya. At alam kong 'di na s'ya makapaghintay na libutin ang buong lugar na ito.

Dulot ng mainit na panahon ay nakaramdam ako ng uhaw. Takot akong sumubok na bumili ng mga inuming inilalako sa tabi ng kalsada na sila ang nagtimpla. Umakyat kami sa ikalawang palapag ng gusaling aming nakita.


Ang kapatid kong inip na inip na sa konti pa lamang naming pagtigil.

Maganda ang tanawin dito sa taas at masarap ang samyo ng hangin. Napansin ko ang ulap at nasabi ko sa kanilang, mukhang uulan. Sabi ni Mama, "'Wag naman sana, wala tayong payong. Tsaka hindi magandang mamasyal ng umuulan dito".
Hindi lamang tanawin ang maging layunin ng pagpunta dito, napakaraming mga produkto ang makikita dito. Gaya ng ibang ibang tourist spots sa Baguio City, makakabili dito ng key chains, mga produktong gawa sa kahoy, mga produktong mula sa paghabi, mga pagkaing tulad ng ube jam, peanut brittle, strawberry jam, at marami pang iba. Dahil sa marami ang nagtitinda, maari kang mamili kung saan ka makakamura. May mga pagkaing tinitinda ng 7items/100pesos, ito ay maaring assorted, depende sa gusto mo.
At isa sa dahilan ng pagbisita namin dito ay ang mga ito:

Mahilig sa halaman si Mama kaya naisipan kong bilhan s'ya.

Nang kame ay bumaba na upang tanawin ang magandang tanawin, ito ang tumambad sa amin:

Oh hindi! Halos 'di mahulugang karayom ang lugar at hindi ka basta-basta makaka-abante dahil sa dami ng tao. Kailangang mag-ingat sa pag-apak, kung hindi mo nais matulad sa babaeng natisod ng isang halaman. Lubhang mainit na tila magpupugto ang iyong paghinga dahil sa dami ng tao.

Ito na lamang ang nakunan ko:

Tila ba nanakit ang ulo ko sa init at sa dami ng tao, maingay ang paligid at sari-saring amoy ang pumapaimbabaw sa paligid.

Naisipan ng kapatid kong pumunta sa bahaging wala ng bakod, at ito ang aming nakita:

Ang lugar na kinatatayuan namin ay bangin na wala ng bakod kaya kung ikaw ay madupilas ay maswerteng palarin kang magkabali-bali lamang ang iyong mga buto.

Tinanaw ko na lamang ang lugar kung saan gusto ko silang kuhanan ng litrato upang magsilbing paalala na sila ay nakabisita na dito.



 Nakakalungkot na abot tanaw na ngunit hindi pa marating ang magandang bahagi na iyong kung saan tila ba ikaw ay nasa himpapawid na rin. Ang panuorin ay ang tahimik na kabundukan at mapitagang bumabati sa sinumang nais sumilay ng kanilang kagandahan.

Napagpasyahan naming iwan na ang lugar.



Ang sabi nila mamasdan mo din ang kagandahan na makikita mo sa Minesview kung ikaw ay nasa Good Shepherd.

Ipagpatawad n'yo ngunit ang tanawing nasa ibaba para sa akin ay hindi nakatulong upang mapaganda ang lugar.
Tila ba ito ay isang "eye sore" ng lugar. May mga lugar para sa komersyo, hindi na sana nagtayo pa ng ganito sa harapan.

Sa pagpasok namin sa lugar ay tila ba kami ay napagdamutan, ito na lamang ang naiambon sa amin ng pagkakataon:

 Napakarami ng bahay na nakatayo sa lugar. Na tila ba nais nilang ipagdamot ang kagandahan ng tanawin dito.

Masyado akong abala sa pagsilip kung saan pwedeng makisilip upang mamasdan ang buong kagandahan nito ng mapansin ko ang dalawang ito:


Masyadong akong nagmamadali sa paglakad at pagkaladkad sa kanila sa kung saan-saan para masilayan nila ang kagandahan ng Baguio ngunit hindi ko naisip na nasusulit ba nila ang bawat minutong naririto sila. Nagkasya sila sa pagtanaw sa malayo upang mamasdan ang kariktan ng syudad na ito.
Ito... ito ang mahalaga, ang ma-enjoy nila ang bawat minutong naririto sila hindi ang kung gaano ang lugar na mabisita nila.
Ang tagpong ito ang humaplos sa aking puso at nagpapaalala kung bakit ko sila isinama sa aking "Happy Land". Sila ang bida dito at hindi ako.
Nakita kong bagamat nakakabitin ang tanawin masaya sila.
Hindi ko na sila tinawag at hinintay na magsawa ang kanilang mga mata sa tanawing nasa harapan nila.

Nang sapat na ang oras upang maalala ang lugar na ito, nagpasya kaming umalis na.

Natuwa si Mama sa punong ito:
Ang sabi ni Mama, para daw itong pinintahan ng ekspertong mga kamay na tila ba nagliliwanag itong tila nagliliyab. Hindi nabigyang hustisya ng kamera ng aking cellphone ang magandang tanawing ito.

At lalong nagdilim ang langit...

 Ito sana ang nais kong kanilang makita at maranasang makunan ng litrato:

 Ang malaking batong kung hindi ako nagkakamali ay marmol.

Ang makunan sila ng litrato sa lugar na ito.

 



 Pero may susunod pa namang pagkakataon hindi ba?

Sisiguruhin kong hindi na magiging ganito kagulo ang susunod naming pagbisita sa Baguio City.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento